Monday, January 25, 2010

Isang Mainit na Subo

Kahapon, nagutom ako ng labis kaya't ako'y lumabas upang makahanap ng masarap na makakain. Ako'y napadpad sa Greenwich. Umorder ako ng lasagna. Pagkatapos ng ilang minuto, inihain sa akin ang isang plato ng lasagna. Dahil sa aking gutom, agad kong isinubo ang isang kutsara ng lasagna nang walang kaalam-alam na ito pala ay napakainit. At dahil sa maraming tao nakasubaybay, hindi ko iniluwa ang mainit na piraso ng lasagna hanggang sa manguya ko ito at tuluyang malunok. Napaso ang aking dila.

Naalala ko tuloy noong ako'y nasa elementarya, sinabi ng aming guro na ang pag-aasawa ay hindi parang kain na isusubo at saka iluluwa kung napaso.Una, naisip ko kung bakit kami sinesermonan ng ganoon kaaga, marahil hindi lamang ito ukol sa pag-aasawa kundi pati na rin sa pag-ibig. Ikalawa, tila ako'y nagtagumpay sa hindi pagluwa ng lasagna na tila patunay na maaring ngang tanggapin ang sakit ng ganoong pagkakamali. Ngunit, bilang kabayaran, napaso naman ang dila. At hindi lang simpleng paso, kundi isang napakasakit na paso na mahirap lumilom. Tama nga ang aking guro, mas mainam nang mag-ingat at huwag basta bastang magsubo ng bagay na mukhang masarap ngunit sa katunayan ay may kasamang masakit na paso.

No comments: