Sunday, March 22, 2009

C+

Hindi muna ako magsusulat ng masining sa Filipino. Natatakot kasi akong pagkalipas ng maraming taon, ito na ang makabagong 'disgrasya sa pagsusulat'. Iyong tipong ipinamimigay sa estudyante na kung saan iwinawasto ng mga estudyante ang mga mali kasabay ng pagmamaliit sa taong gumawa nito.

Thursday, March 5, 2009

Sa Unang Pagkakataon

Noong nakaraang Martes, kakaiba ang aking araw.

Sa unang pagkakataon, tuwing Martes, hindi ako gumising ng 6:30. Hindi ako nagsuot ng medyas at rubbershoes . Hindi ko din prinoblema ang aking kakainin. (Nagugutom ako lagi kapag pasado 10:00am na). Hindi ko pinansin ang alarm ng aking selepono na nagsasabing 6:00 na. Nagising ng 8:00, naligong mabuti at kumain ng agahan. Pagkatapos, nagtungo sa Schmitt. Nagdala ako ng basahan (lagi kasi akong nakasalalay sa tissue). Binuksan ko ang locker 10D (aba! naisaulo ko na ang mga numero ng lock na kulay rosas at lila). Nilinisan ko ang aking mga kagamitan. Ito ang huling beses na makikita ko ang mga iyon (maliban na lamang kung iyon pa rin ang aking locker sa susunod pang mga lab). Kinuha ko ang aking apron, goggles, Safeguard at Tide. Sinigurado ng guro namin na kumpleto ang aking kagamitan bago ko tuluyan ikandado ang locker. Paalam na lab. Magkikita tayong muli sa organic chemistry at biochemistry.

Pagkatapos ng paglinis ng gamit at check out, kinuha ko ang aking papel sa Le Chatelier. 92 = A!. Tuwang-tuwa ako. Salamat sa A!. Pagkatapos nito, bumalik ako sa dorm upang gisingin ang aking mga roommates.

Maaga akong umalis sa dorm upang kumain ng tanghalian. Bumili ako ng pizza at C2 sa Gcaf. Malapit na akong nawalan ng Php 105 kung hindi ko lamang pinaalala sa saleslady ng pizza na 200 ang ibinigay ko at sa saleslady ng C2 na kulang pa ang sukli ng 5. Pagkatapos nito, umupo ako sa Kostka Benches at nagsimulang maging emo (Biro lamang!) kumain habang nakatingin sa mga dahong nahuhulog sa Zen Garden. Pagkatapos nito, tumungo ako sa silid-aralan. Sa kauna-unahang pagkakataon, sabik na sabik akong magklase ng Fil. At bakit?

Dahil may malaking sorpresa sa aming ulat. Hiniling ko na sana kami ang maunang mag-uulat ngunit sa kasamaang palad, kami ang ikatlo. Sa kalagitnaan ng ikalawang pag-uulat, binawi na aking mgakagrupo ang aming sorpresa. Gugulatin sana namin ang aming mga kaklase sa pamamagitan ng kunwariang pagbibigay ng pagsusulit. Sayang sabik na sabik pa naman ako. Kaya't ipinagpatuloy na lamang ang pag-uulat.